-- Advertisements --

Umakyat na sa P18.49 trilyon ang kabuuang utang ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagtatapos ng Marso 2026, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Tumaas ito ng P328.43 bilyon o 1.81% mula sa P18.16 trilyon noong Pebrero, at mas mataas ng P1.81 trilyon o 10.81% kumpara sa P16.68 trilyon sa parehong buwan noong nakaraang taon.

Ayon sa BTr, ang pagtaas ay pangunahing dulot ng pagkahina ng piso laban sa dolyar, na nagdagdag ng halos P299.5 bilyon sa halaga ng foreign currency-denominated debt, bukod pa sa net issuance ng government securities.

Sa kabuuang utang, 67.8% o P12.53 trilyon ay mula sa domestic debt, habang 32.2% o P5.95 trilyon ay mula sa external debt.

Ang domestic debt ay tumaas ng 0.44% dahil sa net issuance ng P46.72 bilyon, samantalang ang external debt ay lumobo ng 4.81% dahil sa epekto ng piso depreciation.

Ang piso ay nagsara sa P60.748 kada dolyar noong Marso 31, mas mahina kumpara sa P57.665 noong Pebrero 27, dahilan upang tumaas ang halaga ng utang na nakabase sa dolyar.

Samantala, ang guaranteed obligations ng pamahalaan ay umabot sa P381.41 bilyon, bahagyang tumaas dahil sa epekto ng piso depreciation sa external guarantees.

Batay sa Budget of Expenditures and Sources of Financing 2026, inaasahang aabot sa P19.06 trilyon ang utang ng bansa sa pagtatapos ng taon.

Sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework 2022–2030, target ng pamahalaan na ibaba ang debt-to-GDP ratio sa 58% pagsapit ng 2030, mula sa kasalukuyang 63.2%, na pinakamataas sa loob ng dalawang dekada.

Inaasahan namang maglalabas ng ulat ang economic managers ng gobyerno ukol sa development na ito.