Nanindigan si Baguio City Rep. Mauricio Domogan na nakagawa si Vice President Sara Duterte ng mga paglabag na maituturing na impeachable offense.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag habang nakabinbin pa sa plenaryo ng Kamara ang consolidated articles of impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kay Domogan, malinaw sa mga serye ng pagdinig ng House Justice Committee ang mga pagkakasala ni VP Sara, kabilang ang betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution.
Ito ay kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit ng P612 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Kasama rin sa mga alegasyon ang mga discrepancies sa pagitan ng kanyang bank records at deklaradong Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), bukod pa sa iba pang isyu.
Dagdag pa ng Cordilleran lawmaker, hindi nagpakita ng anumang hakbang ang kampo ng pangalawang pangulo upang pasinungalingan o kuwestyunin ang mga alegasyon, sa kabila ng pagkakataong ibinigay ng komite para sa kanyang panig.
Target ng Kamara na talakayin sa plenaryo ang reklamo laban kay VP Sara Duterte sa Marso 11, kung saan mangangailangan ng isang-katlong boto mula sa mga miyembro upang muling ma-impeach ang pangalawang pangulo.
















