-- Advertisements --

Iginigiit ni Iloilo 3rd District Representative Lorenz Defensor na ang napipintong impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi lamang nakasalalay sa Kongreso ng Pilipinas, kundi may mahalagang papel din ang mga ordinaryong mamamayan sa pagbabantay sa katotohanan at katarungan.

Aniya, dapat maging mapanuri at aktibong makialam ang publiko sa mga usaping may kinalaman sa pananagutan ng mga opisyal, sapagkat ang impeachment ay bahagi ng pagpapatibay ng demokrasya sa bansa.

Dagdag pa ni Defensor, ang proseso ay nagsisilbing paalala sa mga pinuno ng pamahalaan na pairalin ang integridad, pananagutan, at tapat na paglilingkod sa bayan.

Hinikayat niya ang publiko na tutukan ang magiging takbo ng impeachment trial sa mga susunod na araw, at ipinaalala na ang kasaysayan ang siyang huhusga sa mga nagawa ng bawat opisyal.

Si Defensor ay kabilang sa walong mambabatas na pinagpipilian upang maging lawmaker-prosecutors para sa impeachment case laban kay Vice President Duterte.

Naging bahagi rin siya ng House of Representatives’ Prosecution Panel sa hindi natuloy na impeachment trial laban kay Duterte noong 2025.