-- Advertisements --

Kakasuhan ng human trafficking si Former congressman Mike Defensor kaugnay ng raid sa isang KTV sa Pasig City kung saan 54 na kababaihan ang nasagip dahil sa umano’y sex trafficking.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), isasama si Defensor sa mga kakasuhan matapos matuklasan ang koneksyon niya sa operasyon ng establisimyento sa pamamagitan ng kumpanyang Cliffpoint Development Corp na namamahala sa gusaling kinaroroonan ng KTV.

Nauna nang kinasuhan ang asawa niyang si Julie at anak na si Miguel sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Dangerous Drugs Act.

Giit ng NBI, lumabas sa imbestigasyon na may ugnayan ang kumpanya at operasyon ng KTV, kaya hindi maiiwasang isama si Defensor sa kaso dahil sa posibleng papel nito bilang chairman ng kumpanya.

Itinanggi naman ni Defensor ang mga paratang at sinabing may kinalaman ito sa kanyang mga kritisismo sa administrasyon, pero iginiit ng NBI na hindi hadlang ang pagiging kritiko sa gobyerno kung may ebidensyang sumusuporta sa kaso. (report by Bombo Jai)