-- Advertisements --

Arestado ang 34-anyos na senior bank teller matapos umano nitong lustayin ang halos ₱4.4M mula sa bank account ng kaniyang kliyente sa isang bangko sa Pasig City.

Nabuking sa akto ang bank teller na si alyas “Ellie” nang mapansin ng 69-anyos na negosyanteng kliyente nito na hindi pumasok ang ₱46,000 na bayad sa interes mula sa debtor nito.

Agad namang tumungo ang negosyanteng biktima sa branch ng nasabing bangko sa Brgy. Rosario upang i-verify ang transaksiyon. Ngunit sa inaasahang P5 milyong laman ng bank account, ₱600,161.26 na lamang ang laman naroon at nawawala ang ₱4.4 milyon.

Nagsagawa ng internal na imbestigasyon ang pamunuan ng bangko kung saan natuklasan na si “Ellie” ang laging nag-aasikaso ng papeles at transaksiyon ng biktima.

Dito umamin umano si “Ellie” na siya ang kumuha ng nawawalang pera ng kaniyang kliyente. Ipinagtapat din umano nito na pineke nito ang specimen signature ng nasabing negosyante upang makapag-withdraw mula sa account.

Dinala ng mga tauhan ng bangko ang suspek sa Rosario Police Sub-Station para i-report ang insidente kung saan siya kalaunang inaresto ng mga pulis.

Inilipat din ang suspek sa Pasig City Police Station para sa pormal na dokumentasyon at pagsasampa ng reklamo.

Mahaharap ang nasabing senior bank teller sa kasong qualified theft through falsification of commercial document.

Hindi pa rin umano narerekober ang nawawalang ₱4.4M.