-- Advertisements --

Itinutulak ng ilang labor groups na huwag nang patawan ng buwis ang mga sahod na P50,000 pababa, bilang hakbang upang mas mapakinabangan ng mga ordinaryong manggagawa ang kanilang kita.

Ayon kay Atty. Jose “Sonny” Matula, chairman ng Nagkaisa Labor Coalition at pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), panahon na upang ireporma ang sistema ng pagbubuwis sa sahod. Giit niya, malaking tulong ito upang maibsan ang pasanin ng mga manggagawa lalo na sa harap ng tumataas na presyo ng bilihin.

Patuloy ding umaasa ang mga grupo na maipapasa na ang legislated wage hike, na dalawang taon nang naaantala. Anila, mahalagang maitaas ang sahod sa gitna ng epekto ng giyera sa Gitnang Silangan na nagdudulot ng pagtaas sa presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.

Habang sa panig naman ng Kilusang Mayo Uno at iba pang organisasyon ay magkaroon ng agarang tugon ang isyu ng sahod tuwing may mga dumarating na krisis at huwag nang hintayin ang mahabang mga proseso sa regional level.

Maliban dito, iginiit din ng mga labor leaders na dapat aksyunan ng pamahalaan ang patuloy na kontraktuwalisasyon sa iba’t ibang kompanya sa bansa, na patuloy na nagpapahina sa seguridad sa trabaho ng mga manggagawa. (report by Bombo Jai)