Ipinahayag ni House Deputy Speaker at National Unity Party (NUP) chairman Ronnie Puno na mahigit kalahati ng 55 miyembro ng kanilang grupo ang sumusuporta na sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Puno na magsasagawa pa ng isang round ng konsultasyon ang mga kongresista sa kanilang mga nasasakupan bago ang inaasahang botohan sa Lunes, Mayo 11.
Aminado si Puno na noong una ay negatibo ang pananaw ng karamihan sa kanilang partido hinggil sa impeachment, ngunit ngayon ay malinaw na ang mayorya, tinatayang nasa 30 miyembro, ay pabor nang ipadala ang reklamo sa Senado.
Binigyang-diin din ng NUP na ang kanilang mga miyembro ay gagamit ng conscience vote sa usapin ng pagpapatalsik sa pangalawang pangulo.
Nagpasalamat naman si Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano na binibigyan sila ng kalayaan ng kanilang pinuno na pumili ng stand at walang nangyayaring pilitan sa isyu ng impeachment.
















