Nanawagan sina Sen Risa Hontiveros at Sen Bam Aquino sa pamahalaan na palakasin pa ang suporta sa mga manggagawang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at bilihin.
Iginiit ni Hontiveros na hindi sapat ang umento sa sahod kung kasabay naman nito ang pagtaas ng gastos sa pagkain at pamasahe. Iminungkahi niya ang pagpapalakas ng social services, kabilang ang paglipat ng pondo sa transport sector para sa service contracting program upang matiyak ang kita ng mga driver at tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng pangmatagalang reporma, kung saan dapat umakto ang gobyerno bilang “service provider” at hindi lang “crisis manager,” upang mapabuti ang tinatawag na social wage o benepisyong natatanggap ng mamamayan mula sa estado.
Samantala, sinabi ni Sen Aquino na higit na apektado ang working at middle class na bumubuo sa malaking bahagi ng populasyon sa kasalukuyang krisis, ngunit marami pa rin ang hindi nakatatanggap ng ayuda. Upang maibsan ito, muling iginiit niya ang panukalang suspensyon ng excise tax sa petrolyo at pagbawas ng VAT.
Ayon kay Aquino, ang mga hakbang na ito ay makakatulong upang mapagaan ang pasanin ng mga manggagawa at kanilang pamilya, habang patuloy niyang isinusulong ang mga repormang magpapababa sa gastusin at magpapalakas sa kabuhayan ng mga Pilipino. (report by Bombo Jai)
















