Naghain si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ng dalawang panukalang batas sa gitna ng kaniyang patuloy na pagliban sa Senado.
Base sa rekord ng Senado, kabilang sa panukalang batas na nilagdaan ni Dela Rosa ay ang Proposed Senate Bill (SB) No. 2080 o ang Counter Foreign Interference Act na nagpaparusa sa pangingialam ng dayuhan sa bansa, na inihain noong Lunes kasabay ng pagbabalik-sesyon ng kapulungan matapos ang isang buwang recess.
Inihain din ang Senate Bill No. 2079 o ang National Police Clearance System Act, na naglalayong palakasin ang operasyonalisasyon ng sistema kabilang ang pagpapanatili ng centralized record ng lahat ng naiulat na crime incidents, warrants of arrest, mga larawan at personalized details ng mga inaresto at wanted persons.
Matatandaan, mula noong Nobiyembre ng nakalipas na taon hindi pa nagpapakita sa publiko si Sen. Dela Rosa at hindi rin dumadalo sa anumang sesyon sa Senado sa gitna ng usap-usapan na nag-isyu ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban sa kaniya kaugnay sa kontrobersiyal na war on drugs.
Kasalukuyan ding nahaharap ang Senador sa ethics complaint dahil sa matagal na pagliban sa Senado.
Pinagkokomento rin siya ng Senate ethics committee sa panukalang amyendahan ang rules kabilang ang “no work, no pay” policy para sa mga lumilbang senador.
















