Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines na nutralisado na ang isa sa mga utak sa likod ng madugong pangbobomba sa Mindanao State University sa Marawi City noong Disyembre 2023.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad, patay sa engkwentro laban sa militar sa Lanao del Sur si Khadali Mimbesa alyas ‘Engineer’ na kinilala rin ng mga otoridad na amir ng Dawlah Islamiyah terror group.
Aniya, sa ilalim ng pamumuno ni BGen. Yegor Rey Barroquillo Jr. bilang commander ng Philippine Army 103rd Brigade ay nanutralisa ang mga lokal na terorista at armadong miyembro ng Dawlag Islamiah sa Lanao del Sur noong Enero 25 hanggang Enero 26, 2024 na pawang mga tinukoy na salarin sa likod ng pangbobomba sa MSU.
Sabi ni Col. Trinidad, nakumpirma ang pagkamatay ni Mimbesa mula sa statement ng isa sa mga sumukong terorista na si “Khatab” na kinilalang isang high-value individual ng DI-Maute Group na sumuko sa 2nd Mechanized Brigade.
Kaugnay nito ay may narekober din ang kasundaluhan na siyam na high-powered firearms, isang bandolier, apat na Baofeng radios, at isang smartphone.
Samantala, pinuri naman ni AFP chief of staff, Gen. Romeo Brawner Jr. ang mga tropa ng militar na matagumpay na pagtugis sa mga salarin sa likod ng MSU bombing.