Inilabas na ng Malacanang ang naging bunga ng working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Estados Unidos noong Setyembre 18-24, 2022.
Ginawa ito bilang sideline sa pagdalo niya sa United Nations General Assembly (UNGA), kung saan siya nagtalumpati.
Sa pakikipagpulong sa mga malalaking kompanya roon, nakakuha ang ating bansa ng US$3.9 bilyon na investment pledges sa iba’t-ibang sektor, tulad ng Information Technology and Business Process Management (IT-BPM), Data Center, at Manufacturing.
Bukod pa rito, inaaasahang lilikha ang investment ng halos 112,285 na trabaho para sa ating mga kababayan.
Samantala, ngayong araw naman ay ibinahagi ni Pangulong Marcos ang kaniyang mga pananaw para sa post pandemic efforts ng gobyerno sa harap ng Asian financial experts.
Tinuran niya ito pagdalo sa 55th Annual Meeting of the Board of Governors ng Asian Development Bank (ADB) sa Mandaluyong City.
Kasabay nito, nagpasalamat din ang presidente sa palaging pag-alalay ng ADB para maisakatuparan ang mga proyekto ng pamahalaan, kabilang na ang pinalalakas na ekonomiya ng bansa.