-- Advertisements --

Aminado ang Civil Service Commission (CSC) na wala pang umiiral na batas na tahasang nagbabawal sa mga kawani at opisyal ng pamahalaan na magsugal sa mga legal na casino o online gambling sites pagkatapos ng kanilang trabaho.

Ayon kay CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap sa budget hearing para sa panukalang P4.19 billion budget ng ahensya para sa 2026, tanging Executive Order lamang ang nagbabawal sa pagpasok ng mga empleyado ng gobyerno sa mga pasugalan habang nasa oras ng trabaho.

Ipinaliwanag din ni Barua-Yap na legal ang ilang anyo ng pagsusugal tulad ng mga lisensyadong casino at online platforms. Kaya’t walang sapat na legal na batayan umano para ipagbawal ito sa mga empleyado ng gobyerno kung hindi ito ginagawa sa oras ng kanilang trabaho.

Dagdag pa niya, mas mainam na bawat ahensya ng gobyerno ay gumawa ng sarili nilang guidelines upang mapanatili ang disiplina at tiwala ng publiko.

Samantala, iniulat naman ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na umabot na sa P155 billion ang kita mula sa online gambling noong 2021, at inaasahang aabot ito sa P60–P62 billion ngayong 2025 kung walang ipapatupad na total ban.