Naglunsad ang Amerika ng military strike sa Syria matapos masawi sa nangyaring ambush ang dalawa sa sundalong Amerikano at isang American civilian interpreter halos isang linggo na ang nakakalipas.
Target din ng military strike ng US na mabuwag ang Islamic State (IS) group fighters at kanilang weapon sites bilang ganti sa pagkasawi ng mga tropa ng Amerika.
Ayon sa isang US official, tinamaan ang 70 targets sa malawakang strike sa mga lugar sa central Syria kung nasaan ang imprastruktura at mga armas ng Syria.
Sa isang post, sinabi naman ni Defense Secretary Pete Hegseth na hindi ito ang simula ng giyera kundi deklarasyon ng paghihiganti. Aniya, hindi kailanman magaatubili ang Trump administration na depensahan ang kanilang mamamayan.
Nauna nang nangako si Trump na seryosong paghihiganti matapos ang pamamaril sa kanilang tropa sa disyerto ng Syria na kaniyang isinisi sa IS.
Aniya, ang mga napatay ay kabilang sa daan-daang tropa ng Amerika sa eastern Syria na parte ng coalition na nakikipaglaban sa militanteng grupo.
Nilinaw naman ni Trump na ang kanilang target ay ang mga kuta ng IS at iginiit ang suporta para kay Syrian President Ahmad al-Sharaa, na aniya’y buo ang suporta sa hakbang ng Amerika laban sa Islamic group.















