-- Advertisements --

Inanunsyo ng Pentagon na agad na sisimulan ang pag-proseso ng pag-aalis sa humigit-kumulang 1,000 transgender troops mula sa US military, batay sa utos ni US President Donald Trump na nagbabawal sa mga transgender na maglingkod sa military.

Ayon sa memo ni Defense Secretary Pete Hegseth, ang mga transgender personnel na boluntaryong nagsabi ng intensyong umalis bago ang Marso 26 ay agad na ipoproseso para sa separation. Habang ang mga hindi lalabas boluntaryo ay sapilitang aalisin sa serbisyo pagsapit ng Hunyo 6 (para sa active-duty) at Hunyo 7 (para sa reserves).

May kabuuang 4,240 na miyembro ng military ang may diagnosis ng gender dysphoria noong nakaraang taon, ayon sa Department of Defense. Sa kanila, tinatayang 1,000 ang maaaring mapasailalim sa bagong patakaran.

Naglabas si Trump ng executive order noong Enero 27, kung saan sinabi niyang ang “false gender identity” ay hindi tugma sa mataas na pamantayan ng serbisyong militar. Sinundan ito ng Pentagon memo noong Pebrero, na nagsasabing aalisin ang transgender troops maliban na lang kung mayroong special waiver.

Mababatid na ang polisiya ay bahagi ng serye ng pagbabago sa patakaran hinggil sa transgender service members —nagiging mas maluwag sa ilalim ng Democratic administrations, at mas mahigpit sa ilalim ni Trump.