-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Estados Unidos ang agresibong aksyon ng China matapos nitong gamitan ng water cannon ang isang Philippine government vessel malapit sa Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc), na nagdulot ng pinsala sa barko at pagkakasugat ng isang tripulante.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang BRP Datu Gumbay Piang, na pinapatakbo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ay bahagi ng misyong maghatid ng tubig, gasolina, at iba pang suplay sa higit 35 mangingisdang Pilipino sa lugar nang ito’y atakehin ng dalawang Chinese Coast Guard vessels gamit ang high-pressure water cannon.

Sa isang pahayag sa X (dating Twitter), sinabi ni US Ambassador MaryKay Carlson: “The US condemns China’s aggressive actions in the Philippine EEZ near Scarborough Reef… We commend the Philippine government for protecting Filipino fisherfolk and upholding maritime law.”

Samantala, inakusahan naman ng China ang Pilipinas ng pagpasok umano sa kanilang teritoryo, na tinutukoy nilang Huangyan Island.

Ang insidente ay kasunod ng anunsyo ng Beijing na gagawing national nature reserve ang Scarborough Shoal—isang hakbang na kinondena ng Pilipinas at ng mga kaalyado nitong bansa, na nagsabing ito ay labag sa international law.

Matatandaan na ang Scarborough Shoal ay bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. Naagaw ito ng China noong 2012 pero noong 2016, isang arbitral tribunal ang pumabor sa Pilipinas, ngunit patuloy ang ginagawang presensya ng China sa lugar.