Iuuri ng Amerika bilang teroristang organisasyon ang Cartel de los Soles, isang grupo na pinaghihinalaan ng US na pinamumunuan ni Venezuelan President Nicolas Maduro.
Inanunsiyo ito ni US Secretary of State Marco Rubio sa isang statement nitong Linggo, eastern time.
Ayon kay Rubio, ikokonsidera ang grupo bilang Foreign Terrorist Organisation (FTO) simula sa Nobiyembre 24.
Ibig sabihin nito, epektibong iuuri na rin bilang terorista ang Venezuelan President dahil siya umano ang pinuno ng grupo, subalit mariing itinanggi naman ni Maduro ang naturang akusasyon.
Ang pagtatalaga sa grupo bilang terorista ay ang pinakabagong pagsisikap ng adminsitrasyon ni US President Donald Trump para mapahupa ang drug trafficking at i-pressure si Maduro, sa gitna ng pinaplano ng Amerika na magsagawa ng military action sa loob ng Venezuela.
Magbibigay daan kasi ang pagtatalaga sa grupo bilang Foreign Terrorist Organisation para magsagawa ang US government ng mas agresibong crackdown laban sa grupo at umano’y mga kaalyado nito.















