Inanunsyo ng Estados Unidos na itinigil na nito ang naval blockade laban sa Iran matapos lumagda ang dalawang bansa sa isang kasunduan na naglalayong wakasan na ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa US Central Command, inalis na nila ang blockade alinsunod sa direktiba ni U.S. President Donald Trump.
Dahil dito, muling binuksan ang Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang dinadaanan ng mga barkong may dalang langis at iba pang kalakal.
Nabatid na kasama sa kasunduan ang agad na pagpapatitigil ang operasyon ng US military kung susunod aniya ang Iran sa kasunduan.
Kabilang sa mga kondisyong ito ang pagsira ng Iran sa kanilang imbakan ng enriched uranium at pagtigil sa pagpopondo sa mga kaalyadong armadong grupo sa rehiyon.
Bagama’t naisakatuparan na ang kasunduan, duda naman dito si Iran Supreme Leader Mojtaba Khamenei, aniya hindi siya lubos na sang-ayon sa kasunduan ngunit pinayagan niya itong ituloy matapos makatanggap ng mga katiyakan mula kay Iranian President Masoud Pezeshkian.
Sinabi pa ni Khamenei na hindi porkit natuloy ang kasunduan ay susunod na ang Iran sa ilan pang negosasyon nito sa Estados Unidos
Samantala, sinabi ni Trump na inaasahan niyang susundin ng lahat ng panig ang tigil-putukan upang magpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Nagpahayag naman ng suporta sa kasunduan si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at binigyang-diin ang kahalagahan ng matibay na relasyon ng Israel at Amerika. Gayunpaman, may ilang opisyal sa kanyang gabinete na nagpahayag ng pagtutol sa kasunduan.
Napag-alaman na nakasaad sa kasunduan ang pagtigil ng anumang digmaan, muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, pagpigil sa Iran na magkaroon ng nuclear weapon, at pagtatatag ng pondong aabot sa $300 billion para sa muling pagbangon at pagpapaunlad ng ekonomiya ng Iran.
Sa kabila nito, nananatiling aktibo ang mga pag-atake sa pagitan ng Israel at ng grupong Hezbollah sa Lebanon matapos ihayag ang kasunduan. Ngunit ayon sa Israel hiwalay ang kanilang operasyon laban sa Hezbollah, habang sinabi naman ng Iran na kasama sa kasunduan ng Amerika ang pag-tigil ng digmaan sa Lebanon.
















