Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump na kanya nang pinalawig ang ceasefire sa Iran matapos makiusap ang Pakistan, habang hinihintay pa ang isang “unified proposal” mula sa Tehran.
Ayon kay Trump, mananatiling naka-extend ang tigil-putukan hanggang sa makapagpasa ang Iran ng kanilang proposal at matapos ang negosasyon sa anumang paraan.
“He’s directed our Military to continue the Blockade and, in all other respects, remain ready and able, and will therefore extend the Ceasefire until such time as their proposal is submitted, and discussions are concluded, one way or the other,” pahayag ni Trump.
Sa gitna nito, nananatiling walang katiyakan ang usapin ng pangkapayapaan habang papalapit ang pagtatapos ng dalawang linggong ceasefire.
Nag-aalinlangan pa kasi ang Iran kung lalahok ito sa panibagong pag-uusap, at binanggit ang umano’y “unacceptable actions” ng Amerika, kabilang ang nagpapatuloy na blockade sa Strait of Hormuz.
Kinansela rin umano ni U.S. Vice President JD Vance ang nakatakdang pagbisita sa Pakistan para sa ikalawang yugto ng negosasyon, habang ang ibang opisyal ng U.S. ay nasa konsultasyon pa kung paano pag-uusapan ang peace talk.
Samantala, patuloy ang pagsisikap ng mga opisyal ng Pakistan na mapagkasundo ang dalawang panig upang maiwasan ang muling pagputok ng digmaan.
Sa ngayon, nananatiling bukas ang posibilidad ng panibagong negosasyon o muling paglala ng tensyon, habang hinihintay ang desisyon ng Iran at Estados Unidos.















