-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta si Pope Leo XIV sa pansamantalang kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na layong wakasan ang digmaan sa Gitnang Silangan.

Sa panayam sa Castel Gandolfo, Italy, sinabi ng Santo Papa na nagpapasalamat siya sa Diyos dahil nagkaroon ng kasunduan ang dalawang bansa at inaasahang pormal itong pagtitibayin sa Biyernes.

Ayon kay Pope Leo, mas mainam na maresolba ang mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pag-uusap at negosasyon kaysa sa muling pagbalik sa digmaan.

Umaasa rin ang Santo Papa na magiging daan ang kasunduan upang tuluyan nang matapos ang tensyon sa rehiyon at magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan.

Matatandaang naging kritikal si Pope Leo sa nagdaang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, dahilan upang makatanggap siya ng batikos mula kay U.S. President Donald Trump.

Gayunpaman, nananatiling panawagan ng Santo Papa ang mapayapang pag-uusap at pagkakaisa upang maiwasan ang karagdagang karahasan at pagkawala ng maraming buhay.