Nanawagan ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Estados Unidos at Iran na ipagpatuloy ang negosasyon para sa pangmatagalang kapayapaan, kasunod ng kanilang kasunduang dalawang linggong tigil-putukan.
Pinuri rin ng ASEAN ang papel ng Pakistan at iba pang panig sa pagsulong ng kasunduan, at iginiit ang kahalagahan ng diplomasya, paggalang sa international law, at agarang pagtigil ng labanan sa Gitnang Silangan.
Binigyang-diin din ng ASEAN ang seguridad at malayang paglalayag sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro, pinag-aaralan ng ASEAN ang pagbuo ng crisis communication protocol upang mapabilis ang koordinasyon sa panahon ng krisis, habang pinalalakas din ang kooperasyon sa enerhiya at seguridad sa pagkain sa rehiyon.
Samantala, inihayag naman ni US President Donald Trump na ang ceasefire ay bahagi ng pagsusulong para sa pangmatagalang kasunduan sa kapayapaan.
















