-- Advertisements --
austin x galvez 3

Ipinahayag ni United States Defense Secretary Lloyd Austin III na naging “productive” ang kaniyang ginawang pagbisita sa Pilipinas ngayong linggo.

Ito ay matapos ang kaniyang pakikipagpulong sa ilang matataas na opisyal sa bansa, partikular na kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung saan tinalakay nito ang iba’t-ibang usapin sa pagitan ng Pilipinas at Amerika kabilang na ang mas pagpapatibay pa sa samahan at pagkakaibigan ng dalawang bansa.

Sa kaniyang pagtungo sa tanggapan ng Department of National Defense sa Camp Aguinaldo, sa bahagi ng Quezon City ay ibinihagi ni Defense Secretary Austin ang kanilang naging kasunduan ni National Defense Secretary Galvez na mas paigtingin pa ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos.

Kaugnay nito ay napag-usapan din ng dalawang opisyal ang paggawa ng mga konkretong aksyon upang tugunan ang ginagawang destabilizing activities sa mga katubigang sakop ng Pilipinas, kabilang na ang West Philippine Sea na pilit na inaangkin ng bansang China.

Aniya, sa pamamagitan ng mas pinaigting na Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Amerika ay nananatiling commited ang dalawang bansa sa pagpapalakas pa ng kanilang mutual capacities laban sa iba’t-ibang armadong pag-atake na posibleng kaharapin ng parehong bansa sa hinaharap.

Dagdag pa ng US official, ito aniya ay bahagi lamang ng kanilang pagsisikap na i-modernize ang alyansa ng ating bansa at Estados Unidos lalo na ngayong patuloy ang ginagawang ilegal na pang-aangkin ng China sa ating West Philippine Sea.

Samantala, bukod dito ay sinabi rin ni Austin na siya ay positibo na magpapatuloy ang pagtutulungan at alyansa ng Pilipinas at Amerika upang ipagtanggol ang parehong pagpapahalaga ng dalawang bansa sa kalayaan, demokrasya, at human dignity, dahil hindi lamang aniya isang kaalyado ang tingin nila sa ating bansa kundi bilang isang pamilya.

Kung maaalala, kaugnay nito una nang umalma ang China sa ginawang pagbisita sa Pilipinas ni United States Defence Secretary Lloyd Austin sa kadahilanang binabahiran daw ng Amerika ang kanilang bansa sa issue ng West Philippine Sea at ginagamit anila ang ating bansa sa anti-china political campaign ng Estados Unidos.