Naalarma ang Bureau of Immigration matapos makatanggap ito ng ulat tungkol sa panibagong pagtatangka ng mga blacklisted foreign nationals na tumakas ng bansa sa pamamagitan ng “backdoor,” sakay ng isang bangka sa Tawi-Tawi.
Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, inaresto ng mga operatiba ng intelligence unit ng ahensya ang dalawang Chinese nationals na kinilalang sina Li Yu, 27, at Liu Fei, 35, matapos silang sitahin ng Maritime Police Station ng Tawi-Tawi.
Sa kanilang pagmamanman, natagpuan ng grupo ang dalawang Chinese na lalaki na sakay ng isang barkong dumating mula sa Zamboanga City.
Ipinakilala nila ang kanilang sarili gamit ang mga larawan ng kanilang pasaporte at sinabing nakatira sila sa Parañaque.
Nakipag-ugnayan ang monitoring team sa mga operatiba ng BI upang beripikahin ang pagkakakilanlan ng dalawa, at nakumpirma na ang kanilang mga pangalan ay nasa blacklist ng BI matapos silang maituring noong 2023 bilang undocumented and undesirable aliens dahil sa pagtatrabaho sa isang establisyimentong sangkot sa prostitusyon at labor exploitation.
Kapwa rin sila kinilala ng pamahalaan ng Tsina bilang mga pugante, dahil nahaharap sila sa mga kaso ng financial fraud sa kanilang bansa.
Ilipat sila sa pasilidad ng BI sa Taguig kung saan sila mananatili habang hinihintay ang kanilang deportasyon.