Inaresto ng mga awtoridad ang siyam na dayuhan at dalawang Pilipino sa Mactan-Cebu International Airport dahil sa pagbibitbit nang hindi idineklara na malaking halaga ng pera, bago ang May 2025 midterm elections.
Sinabi ng tagapagsalita ng PNP na si Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang pulong balitaan na tinangkang sumakay ng pribadong eroplano papuntang Maynila ang 11 suspek bandang alas-10:30 ng gabi nang sila ay masabat sa isinagawang inspeksyon ng kanilang mga bagahe.
Ang mga suspek ay binubuo ng 7 Chinese, isang Indonesian, isang Kazakhstani, at dalawang Pilipino.
Nadiskubre ng mga awtoridad na dalawa sa pitong Chinese national ay may notice mula sa Interpol dahil sa paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code o Pagnanakaw, na may piyansa na nagkakahalaga ng ₱10,000.00.
Ayon sa isinagawang imbentaryo ng nasabat na salapi, umabot sa kabuuang halagang ₱441,922,542.37 ang narekober.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng General Aviation terminal ang pera. Ang mga naarestong suspek ay patuloy ding iniimbestigahan para sa posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso.