Nagpasya ang US appeals court na iligal ang karamihan sa mga taripang ipinataw ni US President Donald Trump sa mga bansa.
Nakikitang makakaapekto ang naturang ruling sa reciprocal tariffs ni Trump na ipinataw sa karamihan sa mga bansa sa buong mundo gayundin ang iba pang mga taripa na ipinataw sa China, Mexico at Canada.
Sa desisyon ng US Court of Appeals for Federal Circuit, tinutulan nito ang argumento ni Trump na ang mga taripa ay pinayagan sa ilalim ng Emergency Economic Powers Act at tinawag itong invalid o walang bisa dahil taliwas ito sa batas.
Nakapaloob sa 127 pahinang ruling na hindi nabanggit sa International Emergency Economic Powers Act ang mga taripa o walang procedural safeguards na naglalaman ng malinaw na limitasyon sa kapangyarihan ni Trump na magpataw ng mga taripa.
Kung kayat ang kapangyarihan aniya para sa pagpataw ng mga buwis at taripa ay patuloy na nasa kamay ng US Congress at hindi ito mapapawalang bisa ng batas.
Hindi naman magiging epektibo ang naturang ruling hanggang sa Oktubre 14 para bigyan ng panahon ang administrasyon ni Trump na hilingin sa Korte Suprema na kunin ang kaso.