-- Advertisements --

Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na hindi makaka-apekto sa trabaho ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang resulta ng isang survey kung saan bumaba umano ang approval at trust rating ng punong ehekutibo.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro ang resulta ng survey ay magsisilbing gabay lamang ito at hindi makaaapekto sa patuloy na pagtatrabaho ng Pangulo. 

Sinabi ni Castro, tuloy ang administrasyon sa pagsugpo sa korapsyon, lalo na sa imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects, kahit pa magdulot ito ng pagbaba ng rating at political noise.

Dagdag ni Castro, bagama’t maaaring hindi popular, tama ang desisyon ng Pangulo na ituloy ang mga imbestigasyon para sa kapakanan ng bayan. 

Binanggit din niya na may mga nakaraang administrasyon na may mataas na approval ratings ngunit nabigo umanong papanagutin ang mga sangkot sa mga maanomalyang proyekto.

Samantala, tinukoy rin niya na hanggang sa ngayon wala pang malinaw na resulta sa isyu ng confidential funds ng Bise Presidente sa kabila ng mataas nitong rating.

Giit ni Castro nakakalungkot na hinaharang ng mga kaalyado ng pangalawang pangulo ang pag-iimbestiga sa confidential funds isyu na kinakaharap ni VP Sara.