Nagsagawa ang US Coast Guard Cutter Stratton at Philippine Coast Guard (PCG) ng maritime activities sa Palawan.
Kasalukuyang nasa bansa ang naturang Legend-class cutter para sa port visit mula Mayo 16 hanggang ngayong araw Mayo 19 sa Puerto Princesa City kung saan nakilahok ito sa mga serye ng aktibidad kasama ang PCG para palakasin pa ang maritime partnership at bilateral relationship ng Hukbong Pandagat ng dalawang bansa.
Sa isang statement, inihayag ng US Embassy sa Maynila na magpapahusay pa ng interoperability ang pakikilahok ng mga crew ng USCG Stratton sa mga aktibidad ng PCG kabilang na ang technical consultations sa mahuhusay na kasanayan sa operasyon, pakikipag-engage sa lokal na komunidad at sports competition.
Ayon kay US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, ito na ang pang-anim na USCG cutter na nakipagpalitan ng kasanayan sa PCG simula noong 2019, isang testamento ng malakas na ugnayan at matatag na alyansa.
Kasama ni Amb. Carlson sina USCG Cutter Stratton Commanding Officer Captain Brian Krautler at PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na naglibot sa USCG Cutter Stratton sa pantalan sa Puerto Princesa noong Mayo 16.
Ayon sa embahada, pagkaalis sa Puerto Princesa, magsasagawa ang Stratton ng at-sea exercise kasama ang PCG at Philippine Navy na nakatuon sa maritime law enforcement, search and rescue at maritime environmental protection sa Sulu Sea.
Nakatakdang magtungo naman sa Japan ang naturang cutter sa Japan pagkatapos ng port visit nito sa Pilipinas para makilahok sa ikalawang trilateral coast guard exercise sa pagitan ng Amerika, Pilipinas at Japan.