LA UNION – Mag-aalas 3:00 p.m. nitong Huwebesng dumating ang bangkay ni Arlyn Nucos sa kanilang bahay sa Barangay San Carlos, Caba, La Union.
Gaya ng inaasahan, naging emosyunal ang mga miyembro ng pamilya Nocus, maging ang mga kaibigan at kakilala ng mga ito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo La Union sa bunsong kapatid na si Alice at isang guro, sinabi nito na nakalulungkot ang pangyayaring ito sa kanilang pamilya ngayong taon, at inamin din nito na malaking kawalan sa kanila ang pagkamatay ng kapatid.
Isa rin sa mga survivor ang kanyang kapatid na si Arcely Nucos, na kapwa nanilbihan ng halos tatlong dekada na sa kanilang employer sa naturang bansa at hindi na rin nakapag-asawa dahil sa matinding pagmamahal at pagsuporta sa kanilang pamilya.
Apat silang magkakapatid at si Arcely ang panganay na nananatili sa pagamutan sa Singapore, pangalawa si Reynaldo, pangatlo si Arlyn at Alice na bunso.
Una nang ibinalita na bandang ala 1:00 ng madaling araw nang dumating ang bangkay ni Arlyn sa lalawigan ng La Union ngunit idineretso ito sa isang funeral home sa Agoo.
Ayon pa sa pamilya, dalawang linggo nilang lalamayan si Arlyn bago ilibing.