Nasubukan na nitong nakaraang araw ang kakayahan ng mga bagong biling FA-50 jets ng Philippine Air Force (PAF).
Ayon sa ulat ng PAF, dalawang jet ang pinalipad nila sa may Pangasinan, makaraang ma-monitor ang isang “unknown aircraft.”
Sinabi ng Philippine Air Defense Control Center, na-detect nila ang mabilis na pagpasok ng nasabing sasakyang panghimpapawid sa Philippine Air Defense Identification Zone (PADIZ), kaya agad silang nag-deploy ng air assets.
Natukoy ang lokasyon nito sa layong 120 nautical miles north west ng Bolinao, Pangasinan.
Para sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), nasa “unknown track of interest” ang naging lipad ng nasabing sasakyan.
Agad namang hinabol ng dalawang FA-50 ang kahina-hinalang subject, kung saan lumipad ang Philippine jets sa taas na 21,000 feet at may bilis na 265 knots o katumbas ng 490 kph.
Pero nang malapit na ang dalawang PAF jets, nag-iba na ng direksyon ang “unknown aircraft.”
Ang mga FA-50 units ay nabili ng Pilipinas sa South Korea, para sa layuning mapalakas ang air defense capabilities.