-- Advertisements --

Ilulunsad na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang unified 911 emergency call system sa buwan ng Hulyo.

Sa isang pulong balitaan, inihayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nakatakdang mailabas ang SARO o special allotment release order para sa naturang inisyatiba ngayong linggo.

Ayon sa kalihim, sisimulan ang inisyal na paglulunsad ng naturang sistema sa Ilocos Region, Central Visayas, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at National Capital Region gayundin sa mga probinisya sa Greater Metro Manila gaya ng Cavite, Laguna at Rizal.

Target din na palawigin pa ang rollout ng 911 emergency call system kada buwan hanggang sa masaklaw ang lahat ng 18 rehiyon sa bansa.

Sa ilalim ng unified 911 system, magiging isa na lang ang emergency hotline na maaaring tawagan ng sinumang nangangailangan saang parte man ng bansa.

Ilan sa reresponde dito ang Bureau of Fire Protection (BFP) at isasama din ang Philippine National Police (PNP) para rumesponde sa mga nangangailangan ng tulong mula sa kapulisan.

Magkakaroon na rin ito ng geolocator at streaming para malaman kung nasaan at kung ano ang nangyayari sa humihingi ng tulong.