Mariing pinabulaanan ng Malacañang ang balitang kumalat sa social media na imbento lamang umano ang matinding pananakit ng spinal column ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapagtakpan ang kahihiyan sa Japan.
Batay sa kumalat na balita, dahil una nang tinanggihan ni Pangulong Duterte noon at “last minute” nagpasyang dumalo pa rin sa enthronement ceremony ni Emperor Naruto, hindi nabigyan ng kaukulang courtesy at welcome protocols ang pangulo.
Batay pa sa report, sa hanay ng mga foreign ambassadors lamang sa likod at hindi sa upuan ng mga heads of states at royalties pinuwesto si Pangulong Duterte at walang pagkilala.
Mahigpit daw kasi ang Japan sa kanilang national protocols lalo sa Imperial House at hindi basta nagbabago ng naitakda ng seating arrangements at nakasanayang tradisyon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, “absolutely false” ang nasabing balitang kumalat.
Si Sec. Panelo ay kasama sa biyahe ni Pangulong Duterte.
Una na ring pinasinungalingan ng Department of Foriegn Affairs ang parehong impormasyon.
Inihayag ni DFA Assistant Secretary Eduardo Meñez, agad niyang benirepika ang naturang ulat sa Philippine Embassy sa Tokyo at sinabi nitong walang ganitong senaryo na nangyari sa Japan trip ng pangulo.
Kung maaalala, pinutol ni Pangulong Duterte ang biyahe sa Japan at hindi na dumalo sa court at Prime Minister’s banquet dahil sa matinding pananakit ng balakang.
Pagdating sa Pilipinas, nagpakonsulta raw sa kanyang neurologist na nagsabing “muscle spasm” lang ang sanhi ng pananakit ng balakang at walang nakitang malalang sakit o naipit na ugat sa Magnetic Resonance Imaging.