-- Advertisements --

Naniniwala ang Department of Justice sa kredibilidad ng tumatayong state witness na si alyas ” Totoy” na unang nagbunyag sa kinaroroonan ng 34 missing sabungero.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang mga pahayag ni alyas ” Totoy” ay suportado ng mga video at nagtutugma ang lahat ng kanyang mga pahayag.

Una nang sinabi ng kalihim na malaking tao at hindi basta -basta ang nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.

Paliwanag ni Remulla na malawak ang impluwensya ng taong ito na kahit Korte Suprema ay kaya umanong impluwensyahan.

Pera umano ang pinapatakbo nito kaya’t malawak ang koneksyon.

Dahil dito ay plano naman ni Remulla na makipagpulong kay SC Chief Justice Alexander Gesmundo.

Una nang ibinunyag ni alyas ” Totoy” na posibleng patay na ang mga biktima at ito ay itinapon sa Taal Lake

Aniya, maaaring aabot pa sa mahigit 100 ang mga sabungerong biktima at maaaring pinatay .

Sa ngayon ay tumanggi pang pangalanan ni Remulla ang mga indibidwal na posibleng sangkot sa pagkawala ng mga sabungero dahil ito ay bahagi ng kanilang case build up.