Isinagawa ngayong araw ng Biyernes, Hunyo 26 ang pagpapatuloy ng pagdinig sa mga kasong kriminal laban sa puganteng si Charlie “Atong” Ang at iba pang akusado sa pagkawala ng dose-dosenang sabungeros.
Ito naman ang unang pagkakataon na isinagawa ang pagdinig sa korte sa Quezon City mula nang ilipat ito mula sa Regional Trial Courts (RTC) sa Sta. Cruz at San Pablo City sa Laguna at mula sa Lipa City sa Batangas.
Ang mga kasong hinahawakan ng QC RTC ay kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention.
Samantala, humarap naman sa pagdinig ang dalawang complainant na sina Diane Loyola at Teresa Japag, na kinakasama ng mga nawawalang sabungero na sina Ferdinand Dizon at Nerio Antecristo. Kasama nilang dumalo sa pagdinig ang kanilang mga abogado.
Hindi naman sumipot ang 17 iba pang complainant na naghain ng mga kaso sa korte sa Sta. Cruz, Laguna.
Tinutulan din ni Loyola ang inihaing bail petitions ng ilang akusadong pulis at security personnel. Umaasa siyang hindi makakapag-piyansa ang mga ito dahil maaaring mag-mitsa aniya ito ng paghina ng kaso.
















