-- Advertisements --

Muling umapela ang United Nations sa Israel na buksan na ang mga border ng Gaza para makapasok ang mahigit 3,000 truck ng lifesaving aid, sa gitna ng lumalalang krisis na tinawag ng isang UN official na “malupit na collective punishment.”

Ayon sa ulat, libu-libong Palestinian ang pumasok sa isang field office ng United Nations Relief and Works Agency (UNRWA) sa Gaza nitong Miyerkules para maghanap ng gamot. Bagama’t walang nasaktan, nasira ang ilang sasakyan at nakuha ang mga suplay.

Simula nang magtapos ang tigil-putukan noong Marso 18, pinutol ng Israel ang lahat ng ayuda papasok ng Gaza. Ayon sa Israel, bahagi ito ng estratehiya upang pwersahin ang Hamas na palayain ang natitirang bihag at sumuko.

Ngunit ayon sa U.N. High Commissioner for Human Rights, ang paggutom sa sibilyan ay itinuturing na war crime.

Batay sa tala ng Gaza Health Ministry, mahigit 52,000 na ang napatay sa giyera simula Oktubre 7, 2023, kabilang ang higit 2,200 mula nang muling maglunsad ng opensiba ang Israel nitong Marso.

Ang United Nations Relief and Works Agency (UNRWA) ay nagsabing 660,000 batang Palestinian ang hindi na nakakapasok sa paaralan at mahigit 1 milyong bata ang nasa panganib ng matinding malnutrisyon.