Wala pang aasahang pagtaas ng pamasahe sa ngayon kahit pa kamakailan lang ay nagkaroon uli ng price hikes sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra, iniiwasan ng Department of Transportation (DOTr) na ipasa at madagdagan pa ang pasanin ng mga commuter.
Ang ginagawa aniya ng pamahalaan ay tugunan ang hinaing ng mga operator na hindi rin maagrabiyado ang mga mananakay.
Gayunman, kinumpirma ni Delgra na nakatanggap ang LTFRB ng petisyon para magkaroon ng umento sa pamasahe.
Pero ang mas nakikita aniyang posibleng gawin talaga ng DOTr ay ang magbigay ng ayuda para makatulong sa financial needs ng public sector sa pamamagitan nang service contract programs at “Pantawid Pasada” cash aid sa halip na taasan ang pamasahe.
Kahapon nang nagkaroon uli ng big-time price hike ang mga kompanya ng langis.
Ito na ang ika-anim na magkakasunod na linggo na tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Tumaas kahapon ng P1.05 ang kada litro ng gasolina, P1.20 ang sa diesel, at P1.25 naman sa kerosene.