Naharang ng Bureau of Immigration ang isang pastor sa isang paliparan nang tangkain nitong mambiktima ng ilang mga Pilipino para ilegal pagtrabahuin abroad.
Batay sa impormasyon ng kawanihan, tinangka umano ng pastor na ito na dalhin ang 3 Pilipino para magtrabaho sa scam hubs sa Cambodia.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, nagpapakilala ang lalaki bilang o sa alias na Pastor Falcon na palipad sana pa-Bangkok Thailand nang maharap sa Clark International Airport.
Ani raw nito na ang tatlong indibidwal na kasama ay kanyang mga ‘church mates’ sa isang religous organization.
Ngunit nang makausap ng hiwalay naman ng BI Immigration Protection and Border Enforcement Section ang mga ito, taliwas ang kanilang kasagutan sa sinabi ng pastor patungkol sa kanilang planong pag-alis ng bansa.
Kalauna’y kanilang inamin na sila’y papuntang Cambodia kung saan sila’y nar-recruit para maging call center agents at tagaluto ng kumpanya na may pangakong pasahod ng aabot sa 50-libong piso.
Aminado silang humingi ng tulong sa naturang pastor matapos magpakilalang marami ng naipadalang manggagawa palabas ng bansa.
Kung kaya’t mariing tinutulan ni Immigration Comm. Viado ang ‘trafficking attempt’ ng pekeng pastor na nagpapakita pa ng ‘edorsement letter’ mula sa kongregasyon ng simbahan.
Kanya itong ikinadismaya sapagkat ginagamit pati religous activities sa pambibiktima at paggawa ng krimen.
Ang naturang suspek kasama tatlong biktima ay naiturn-over na sa Inter-agency Council Against Trafficking ng paliparan para sa imbestigasyon at paghahain ng kaukulang kaso laban sa recruiters.















