Inanunsyo ng Brave 1, isang state- backed defense investment group ng Ukraine, na payagan na nila ang mga foreign arms companies na subukan ang kanilang pinakabagong teknolohiya sa mismong front line ng digmaan kontra sa Russia sa ilalim ng programang ”Test in Ukraine.”
Sa nasabing scheme, magpapadala ng armas ang mga kumpanya sa Ukraine, magbibigay ng online training, at hihintayin ang feedback mula sa mga sundalong aktwal na gagamitin ang mga ito sa labanan.
Ayon kay Artem Moroz, head of investor relations ng Brave1, malaki na ang interes sa programa, ngunit hindi pa siya nagbabanggit ng partikular na kumpanyang kasali o detalye ukol sa posibleng gastos.
Layon ng programa na mapabilis ang pagtuklas ng epektibong teknolohiya sa giyera sa Russia, habang tinutulungan ang mga dayuhang kumpanya na makita kung alin sa kanilang produkto ang tunay na gumagana sa aktwal na combat conditions.
Kabilang sa mga prayoridad ng Ukraine para sa testing ay mga makabagong air defense systems gaya ng drone interceptors,
AI-guided weapons, gliding bombs, unmanned water systems, electronic warfare tools, at advanced fire control systems para sa mas eksaktong artillery.
Umaasa ang Kyiv na makakabuo ito ng mas matatag na defense industry, sa tulong ng pamumunuhan ng mga dayuhan, upang mapigilan ang mas malakas na pwersa ng kalaban.