LONDON – Sinimulan na ng United Kingdom ang mass vaccination laban sa COVID-19, matapos mag-angkat ng bakunang gawa ng mga kompanyang Pfizer at BioNTech.
Isang 90-anyos na babae mula Northern Ireland ang unang nakatanggap ng bakuna, na kamakailan ay binigyan ng emergency use ng British government.
Ayon sa residenteng si Margaret Keenan, isang malaking prebilihiyo bilang pinaka-unang taong binigyan ng bakuna laban sa coronavirus disease.
“I feel so privileged. It’s the best early birthday present I could wish for because I can finally look forward to spending time with my family and friends in the New Year after being on my own for most of the year,” ani Maggie, na mag-91 years old sa susunod na linggo.
Isang Pinay health worker ang nag-administer o nag-turok sa kanya ng bakuna. Kinilala ang nurse na si May Parsons
Natanggap ni Keenan ang bakuna sa University Hospital ng Coventry City, na isa sa 50 pagamutan na itinakda bilang vaccination hub.
Kabilang sa priority ng British government na mabakunahan ay ang mga may edad 80-anyos pataas, care home workers, at frontline health at social care staff.
Batay sa mga ulat, naka-linya rin ang 94-anyos na si Queen Elizabeth II sa mga unang makakatanggap ng bakuna. Kung mangyayari raw ito, umaasa ang mga opisyal na mas maraming Briton ang mahikayat sa pagbabakuna.
Nagpasalamat si UK Health Sec. Matt Hancock sa Medicines and Healthcare products Regulatory Agency (MHRA) at medical frontliners na naghanda para sa pagsisimula ng pagbabakuna.
“Thank you to everyone who’s made this possible, from @MHRAgovuk clinicians, NHS admin staff, doctors, nurses, everyone who volunteered in the trials & those getting the jab today. Let’s get this done!,” sa isang tweet.
Si British Prime Minister Boris Johnson, nagpasalamat din sa mga scientists at publikong patuloy na sumusunod sa mga paalala ng gobyerno.
“Today the first vaccinations in the UK against COVID-19 begin. Thank you to our NHS, to all of the scientists who worked so hard to develop this vaccine, to all the volunteers – and to everyone who has been following the rules to protect others. We will beat this together,” ani Johnson.
Tinatayang 40-million doses ng Pfizer vaccines ang maagang inorder ng UK para mabakunahan ang 20-million mula sa kanilang kabuuang populasyon.(BBC/AFP)