-- Advertisements --

Nagkasa ang Bureau of Immigration (BI) ng nationwide manhunt operation laban sa dalawang puganteng South Korean nationals na nakatakas mula sa BI Warden’s Facility sa Muntinlupa.

Una na kasing pansamantalang ikinulong ang dalawang puganteng Korean nationals sa naturang pasilidad habang nagpapatuloy ang kanilang deportation cases.

Ang mga pinaghahanap na Korean nationals ay ang 32 anyos na si Lee Jingyu at 44 anyos na si Yang Heejun.

Ayon sa BI, nadiskubre ng personnel ng custodial force team sa kanilang routine inspection ang isang lubid na nakatali sa likurang bahagi ng ward gate sa naturang pasilidad. Nang magsagawa ng headcount at inspeksiyon sa lahat ng wards, doon na nadiskubreng nawawala sina Lee at Yang.

Nagbunsod ito sa security personnel na agad ilagay ang pasilidad sa total lockdown habang isinagawa naman ang masinsinang paghahanap sa lahat ng perimeter sections ng pasilidad.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Viado, humingi na rin sila ng tulong mula sa Bureau of Corrections at National Bureau of Investigation para matunton ang mga dinaanang lugar ng dalawang pugante.

Aniya, hindi sila titigil hanggang matunton ang dalawa at mapanagot sa kanilang kinakaharap na krimen.

Una rito, ang wanted na si Lee ay nahaharap sa kasong may kaugnayan sa drug smuggling sa South Korea na naaresto sa Pasay city noong Nobiyembre 17, dahil sa umano’y pag-organisa ng drug trafficking sa Pilipinas noong unang bahagi ng 2024. Kinasuhan siya ng BI dahil sa pagiging undesirable alien at overstaying nito sa bansa.

Samantala, naaresto naman si Yang sa Angeles City, Pampanga noong 2022. Wanted siya sa South Korea sa iba’t ibang kaso gaya ng theft at mayroong Interpol Red Notice.

Nanawagan naman si Commissioner Viado sa publiko na agad ipagbigay alam sa mga awtoridad sakaling mamataan ang dalawa at tumawag sa hotline ng BI (+633 8 465 2400) o sa kanilang Facebook messenger.