-- Advertisements --

Tinatayang two-third ng panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay maituturing na “pork” o discretionary funds ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).

Sa kabila ito ng mga panawagan para sa reporma, nakakuha pa rin umano ng malaking alokasyon ang mga distrito ng mga lider ng Kamara, kabilang ang kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III na may P23 bilyon na insertions.

Binawasan naman ng Senado ang DPWH budget mula P625 bilyon tungo sa P570 bilyon sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga “questionable” projects.

Sa kabila ng pagbitiw sa puwesto, nakakuha pa rin ng P6 bilyon ang distrito ni dating Speaker Martin Romualdez, habang ang distrito ni Rep. Yevgeny Emano ay nakatanggap ng P6.35 bilyon.

Ang Zamboanga del Norte, na itinuturing na pinakamahirap na lalawigan sa bansa, ay nakatanggap lamang ng P6.33 bilyon para sa tatlong distrito nito.

Inalis naman ni DPWH Sec. Vince Dizon ang mga lokal na flood-control projects, dahilan ng pagbawas sa orihinal na P880 bilyon na panukalang budget.

Sa kauna-unahang pagkakataon, binuksan sa publiko ang bicameral meetings ng Kongreso para sa deliberasyon ng budget para sa transparency.

Wala pa namang tugon dito ang kampo ni Speaker Dy at iba pang tinukoy na opisyal.