-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Inaresto ng mga awtoridad sa tinutuluyang hotel ang isang turista na diumano’y positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Department of Health (DoH) Region VI ukol sa ginagawang contact tracing ng DOH Epidemiology Bureau kaugnay sa isang COVID positive na nakalusot na sa isla.

Ipinaliwanag ni Dr. Cuatchon na noong Enero 14 ay sumailalim sa RT-PCR test ang lalaki mula Malabon City at lumabas sa resulta na positibo ito.

Enero 16, muling nagpa-swab test sa ibang molecular laboratory ang turista at naging negatibo ang resulta.

Dahil dito, nakakuha siya ng QR code at nakapasok sa Boracay noong Enero 17 kasama ang kasintahan.

Kasalukuyang naka-isolate ang dalawa sa quarantine facility sa Aklan Training Center.

Dagdag pa ni Dr. Cuatchon na kapwa naman nag-negatibo ang magkasintahan sa RT-PCR tests na ginawa sa kanila gayundin sa mga staff ng hotel na tinuluyan.

Kaugnay nito, muling nagbabala si Dr. Cuatchon sa iba pang mga turistang may pananagutan sa batas ang sinumang mandaraya ng dokumento sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.

Isa sa mga pangunahing rekisitos sa mga turistang pumapasok sa Boracay ang pagsusumite ng RT-PCR test para mapatunayang negatibo sila sa COVID 19.