-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Tourism (DOT) na nagsisimula nang makabawi ang Pilipinas mula sa pagbagsak ng bilang ng mga turistang Tsino, na pumapasok ng bansa kasabay ng pagtaas ng mga dumadating na turista mula sa ibang bansa, lalo na mula sa Middle East, Gulf Cooperation Council (GCC), at India.

Ayon kay DOT Secretary Christina Garcia-Frasco, hindi naabot ang target na 7.7 milyong Chinese tourist arrivals para sa 2024, matapos lamang makapagtala ng 5.9 million noong nakaraang taon. Isa sa mga sinisilip na dahilan ay ang crackdown sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Bilang tugon, isinusulong ng DOT ang pag-diversify ng tourism markets. Nakita na umano ang 500% hanggang 800% na paglago ng tourist arrivals mula sa Middle East at GCC, dahil sa mga hakbang na tumutugon sa Halal at Muslim-friendly tourism, gaya ng Marhaba Cove sa Boracay at accreditation ng mga Muslim-friendly hotels at restaurants.

Pinalalakas din ng DOT ang ugnayan sa mga pangunahing tourism markets gaya ng South Korea, Japan, United States, Europe, at Australia. Patuloy na tumataas ang bilang ng mga bisita mula sa South Korea at Australia dahil sa lumalawak na connectivity at interes sa diving, golf, beach, at adventure tourism.

Dagdag ni Frasco na handa ang iba’t ibang destinasyon sa bansa na tumanggap ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo.