-- Advertisements --

Na-ideliver na sa House of Representatives mula sa Senado ang mga ballot box na naglalaman ng mga certificate of canvass (COCs) at election returns (ERs).

Ang mga ballot box ay inihatid ng nasa 11 mga 6×6 military trucks at dalawang armored personnel carrier ng Armed Forces of the Philippines, madaling araw pa lamang ng Lunes.

Sinabi sa Bombo Radyo ni House Secretary General Mark Mendoza, ang mga trak ay naghatid ng 167 ballot boxes ng COCs at 441 boxes ng ERs.

Iniulat ni Mendoza na nitong Martes ng umaga ay magko-convene muna ang dalawang kapulungan sa pagpili ng mga miyembro ng canvassing committee na kinabibilangan ng pito mula sa Senado at sa Kamara at meron namang tig-apat na alternates.

Dakong alas-2:00 naman ng hapon ang simula ng canvassing at magtutuloy-tuloy ito maging sa magdamag o kahit 24-oras hanggang sa matapos.

Paliwanag pa ng secretary general, dahil daw sa electronic ay naging mabilis ang transmission ng mga votes kaya hindi na rin daw nila patatagalin pa ang canvassing at maaaring makapagroklama na sa araw ng Huwebes.

house of reps Congress 1

“Dire-diretso na tayo magtuloy tuloy dahil may shifting naman po na gagawin para naman hindi mapagod ang mga miyembro ng canvassing board,” ani Mendoza. “Medyo mabilis talaga dahil electronic compare before na mga elections.”

Dahil dito, nagpadala na rin ang mga Kongreso ng imbitasyon kay presumptive President Ferdinand Marcos Jr. at maging kay presumptive Vice-President Sara Duterte-Carpio na maghanda sa kanilang proklamasyon.

Ang kanilang mga abogado at mga kinatawan sa gagawing canvassing ay napadalahan na rin daw ng sulat para dumalo sa Kamara.

“Lahat naman po ng mga candidates natin naabisuhan naman po sa canvassing tomorrow, na-invite na po sila, pati po mga lawyers nila at saka mga representatives nila,” wika pa ni Mendoza sa Bombo Radyo.

Samantala, una nang nakipagpulong din si House Sergeant-at-Arms retired police Brig. Gen. Rodelio Jocson kay Senate Sergeant-at-Arms retired Maj. Gen. Rene Samonte para sa convoy ng mga trak para matiyak na makarating ng mayos sa Batasang Pambansa building sa Quezon City.

Ang mga ballot box ay ibinaba mula sa mga trak at isinailalim din sa K9 inspections.

Ang mga ito ay sinuri ng canvassing board secretariat pagkatapos ay isinailalim sa X-ray inspection.

Pagkatapos nito ang mga ballot box ay dinala sa isang secured holding area sa plenaryo ng Kamara.

Sa ngayon ay nakatanggap na ang Senado ng 90.17% o 156 na COC mula sa kabuuang 173 COC.

Magpapatuloy ito sa pagtanggap ng mga COC.