Naniniwala si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. na mapapangasiwaan ang mga pagbaha sa Metro Manila sa pamamagitan ng siyensiya para planuhin at ipatupad ang mga programa para sa flood control.
Ayon kay DOST Sec. Renato Solidum Jr. kailangan ng isang integrated water resource management program sa pagpapatupad ng inisyatiba sa pagkontrol ng baha.
Makakapagbigay aniya ito ng mga interbensiyon para sa partikular na ilog o sub-river basins, na mangangailangan ng mga pag-aaral para masuri ang mga daluyan ng tubig at ang banta kaugnay sa konstruksiyon ng proyekto sa naturang mga lugar.
Sinabi naman ng kalihim na tutulong ang ahensiya para matiyak na maplano ito ng mabuti at magamit ang mga datos sa pagpaplano.
Kabilang sa maaari aniyang ibigay ng ahensiya ay ang digital elevation models at forecasting tools para masuri ang kapasidad ng mga kailugan at drainage systems sa pagsalo ng mataas na bulto ng tubig-ulan dulot ng pagbabago ng klima at mabilis na urbanization.
Inirekomenda din ni Solidum ang pagsasama ng flood control initiatives sa Geographic Information System map, para mas mabilis na masuri kung epektibong na-integrate ang panukalang mga poyekto sa kapaligiran at kasalukuyang mga istruktura.