-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) na paiigtingin ang pagbabantay sa lahat ng international ports ng bansa upang matiyak na walang sinumang sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungeros ang makalalabas ng Pilipinas.

Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, iniutos ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mahigpit na pagbabantay sa kabila ng kawalan pa ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) mula sa Department of Justice (DOJ).

Wala pa kasi aniya silang natatanggap na kopya ng ILBO, ngunit bilang pag-iingat, inatasan na ng Commissioner ang lahat ng pantalan na bantayan ang kanilang biyahe.

Nauna na ngang kinumpirma ng DOJ na kabilang sa mga kinasuhan ng mga pamilya ng nawawalang sabungeros ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at aktres na si Gretchen Barretto, na kapwa itinanggi ang mga paratang.

Natapos na umano ng DOJ ang paunang pagsisiyasat sa mga reklamong multiple murder at illegal detention, at sisimulan na ng prosecution panel ang preliminary investigation upang matukoy kung may sapat na basehan para isampa sa korte ang mga kaso.

Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, habang isinasagawa ang imbestigasyon, maaaring hilingin ng DOJ sa korte na maglabas ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO) upang hadlangan ang sinumang kinasuhan sa pag-alis ng bansa.

Ang ILBO ay para lamang kasi sa pagbabantay at pagrereport sakaling subukang umalis ng bansa ang mga sangkot, habang ang PHDO ay may legal na kapangyarihang pigilan ang kanilang pag-alis.

Iaanunsyo naman ang kumpletong listahan ng mga pangalan ng mga respondent sa kaso kapag naipadala na ng DOJ ang mga subpoena para sa preliminary investigation.