Plano ng Ukraine na magkaroon ng kasunduan kasama ang Pilipinas para sa produksiyon ng drones kasabay ng pagpapalakas pa ng defense ties ng dalawang bansa.
Ibinunyag ito ni Ukrainian Ambassador to the Philippines Yuliia Fediv sa idinaos na Special forum sa Ukraine-Philippines Landscape na pinangunahan ng Chamber Commerce of the Philippine Islands sa Intramuros, Manila ngayong Sabado, Agosto 30.
Ayon sa Ukraine envoy, ang co-production ng drones ay posibleng simulan matapos lagdaan ang isang defense agreement sa Oktubre ngayong taon.
Binigyang diin ni Fediv na mahalaga ang kasunduan na malagdaan muna upang makabuo ng legal framework para sa partnership sa pag-produce ng drones.
Sa katunayan, bumalangkas na ang Ministry of Defense of Ukraine ng isang memorandum of understanding (MOU) na ipapadala sa Department of National Defense ng Pilipinas.
Inaantay na lang aniya ang tugon dito at inaasahan ngang magkakaroon na ng high-level delegation mula sa Ukraine kabilang ang mga kinatawan mula sa Ministry of Defense.
Tinawag din ni Amb. Fediv ang Pilipinas bilang reliable partner ng Kyiv sa rehiyon dahilan kayat bukas sila sa bansa na ibahagi ang lahat ng mayroon sila at lahat ng natutunan nilang mga aral.
Una rito, ipinagdiwang ng Ukrainian Embassy sa Maynila ang ika-34 na anibersaryo ng Independence day ng Ukraine sa unang pagkakataon noong Miyerkules, Agosto 27.