-- Advertisements --

Mariing tinutulan ng lokal na pamahalaan ng San Mateo, Rizal ang plano ng MMDA na ilipat ang sanitary landfill ng Metro Manila sa kanilang lalawigan.

Ayon kay Mayor Omie Rivera, hindi dumaan sa tamang konsultasyon ang nasabing hakbang, na lumalabag sa karapatan ng mga mamamayan na makilahok sa mga proyektong may epekto sa kanilang kapaligiran.

Binanggit din ng LGU ang panganib ng pagbaha at pagkalat ng basura na maaaring magdulot ng sakit tulad ng dengue at leptospirosis.

Iginiit ni Rivera na hindi sila binigyan ng pagkakataong makilahok sa desisyon, bagay na salungat sa prinsipyo ng makabuluhang pamamahala.

Nanawagan ang San Mateo LGU sa MMDA na igalang ang awtonomiya ng mga lokal na pamahalaan. Hiniling nila na itigil muna ang anumang aksyon kaugnay sa relokasyon ng landfill hangga’t hindi nagkakaroon ng masusing konsultasyon sa lahat ng sektor.