-- Advertisements --

Isinusulong ng Trade Union Congress of the Philippines Partylist (TUCP) ang regular na pagsasagawa ng earthquake drills kada buwan sa mga lugar ng trabaho upang mapalakas ang kahandaan ng mga manggagawa sa harap ng banta ng lindol.

Sa rekomendasyong inilabas ng TUCP, hinikayat ang mga kumpanya na gawing bahagi ng kanilang workplace safety protocols ang buwanang earthquake drill.

Ayon sa grupo, mahalagang mahasa ang mga empleyado sa tamang pagresponde sa oras ng sakuna upang maiwasan ang mas matinding pinsala at mapanatili ang kaligtasan ng lahat.

Bunsod ito ng sunod-sunod na pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang na ang mga lindol sa Davao at Cebu, na nagdulot ng pinsala sa imprastruktura at takot sa publiko.

Dagdag ng grupo, ang ganitong hakbang ay hindi lamang para sa proteksyon ng mga manggagawa kundi para na rin sa pagpapatibay ng disaster preparedness sa sektor ng negosyo.

Nanawagan ang TUCP sa mga employer na maging proactive sa pagbuo ng ligtas at handang kapaligiran sa trabaho.