CAUAYAN CITY- Namatay ang isang tricycle driver matapos mabangga ang sasakyan ng PNP Roxas sa pambansang lansangan na nasasakupan ng barangay District 1, Cauayan City
Ang namatay ay si June Dancel, 23 anyos, binata, tsuper ng Honda TMX tricycle, at residente ng barangay San Fermin, Cauayan City habang ang isa pang sangkot ay ang PNP Mobile Patrol ng PNP Roxas na minaneho ni Police Staff Master Sgt. Sixto Barroga, 41 anyos, may asawa, kasapi ng Roxas Municipal Police Station at residente ng Vira, Roxas, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na binabagtas ng mga sangkot na sasakyan ang pambansang lansangan patungong Hilagang direksiyon.
Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay bahagya umanong bumagal ang takbo ng sasakyan ng PNP Roxas dahil sa trapiko at matapos nito ay nabangga umano ng tricycle ang likuran ng naturang sasakyan.
Dahil sa malakas ng impact ay tumama umano ang ulo ng biktima sa harapang salamin ng kanyang tricycle na naging sanhi ng malalang sugat sa kanyang leeg.
Dinala pa sa pagamutan ang biktima subalit idineklara nang dead on arrival ng kanyang attending physician
Nasa pangangalaga na Cauayan City Police Station ang mga sasakyang nasangkot sa aksidente at si Senior Master Sergeant Barroga para sa kaukulang disposisyon.