Kinuwestiyon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang kalidad ng mga proyektong itinatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sa kanyang programa, sinabi ni Remulla na maaaring mas maayos ang malalaking proyekto kung isasagawa sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP).
Kabilang sa binanggit niya ang mahigit P9-billion UP-Philippine General Hospital Cancer Center, na wala umanong nakuhang bidder.
Kinuwestiyon din ni Remulla ang Bureau of Immigration building project na nagkakahalaga ng mahigit P8 billion, na aniya ay matagal nang ginagawa.
Iminungkahi rin niya sa National Bureau of Investigation na sa halip na magpatayo ng bagong gusali, maaari na lamang itong bumili ng existing building sa pribadong sektor.
Sumang-ayon naman si DPWH Secretary Vince Dizon sa ilang punto ni Remulla, partikular sa paggamit ng PPP para sa malalaki at komplikadong proyekto.
Ayon kay Dizon, maaaring makatulong ang PPP para matiyak ang mas mabilis na konstruksyon, mas mataas na kalidad at cost efficiency ng mga proyekto.
Inamin din ni Dizon na hindi siya nasiyahan sa kalidad ng ilang proyektong ginagawa ng DPWH, kabilang ang Bureau of Immigration building.
Sinabi rin niyang handa ang DPWH na itigil ang kasalukuyang NBI building project upang makahanap ang ahensya ng mas praktikal na opsyon para sa bagong headquarters nito.
















