-- Advertisements --

Sinusuri na nang Malacañang kung alin sa 13,917 flood control projects na isinagawa noong nakaraang administrasyon ang hindi naging epektibo sa pag-iwas sa pagbaha.

Tugon ito ni Palace Press Officer USec. Claire Castro kaugnay sa kung may assessment na ang Malakanyang sa mga flood control projects na hindi gumagana kasunod ng malawakang pagbaha na naranasan kahapon sa Metro Manila. 

Ayon kay USec. Castro, hinihintay nila ang ulat at datos mula sa DPWH kung nasaan ang mga proyekto, kung gumagana ang mga ito, at kung may mga ghost o substandard projects.

Binanggit ni Castro ang Sunog Apog pumping station bilang isang proyektong dating hindi maayos ang pagkakagawa ngunit naayos at napagana matapos ang intervention at pagkukumpuni.

Iginiit ni Castro na kailangan ang pagtutulungan ng gobyerno at publiko upang matugunan ang problema sa pagbaha.

Patuloy ang mga proyekto ng DPWH para tugunan ang mga kakulangan sa drainage, pumping stations at waterways. 

Gayunman, nawawalan ng saysay ang mga ito kung patuloy na itinatapon ang basura sa mga estero at daluyan ng tubig.